Thursday, April 17, 2008

KABAN-KABANG BIGAS NA ITINATAGO NADISKUBRE

SILANG, CAVITE – Kaban-kabang bigas na itinatago sa isang bodega sa Brgy. Maguyam sa bayang ito noong Abril 14, taong kasalukuyan ang nadiskubre ng mga operatiba ng Municipal Police sa pamumuno ng kanilang hepe na si P/Chief Inspector Christopher Olazo kasama si P/Chief Inspector Villaflor Banawagan at ilang mga kawani ng Municipal Licensing Office sa bisa ng isang Search Warrant mula sa sala ni Judge Edwin Larida, Jr. ng RTC Branch 18 para sa Boardwalk Business Rental na pagmamay-ari ng isang Melvin Madera. Ito’y bunsod sa mga naging reklamo ng pagtatago ng kabang-kabang bigas sa sa nasabing bayan. Napag-alaman din na ang operasyon ng nasabing imbakan ng bigas ay walang mga kaukulang dokumento o permits.
Sa nasabing raid, nakumpiska ang tatlongdaan at tatlongpu’t apat (334) na kaban ng Thailand Rice, tatlong libo’t tatlong daan at walong (3,308) kaban ng commercial rice, dalawampu’t apat (24) na bungkos ng panali ng sako, dalawang (2) timbangan, limang libong (5,000) iba’t-ibang uri ng basyong sako, siyam napu’t siyam (99) na basyo na sako ng NFA, isang (1) brown na record book kung saan nakatala ang NFA at mga imported na bigas, isang (1) maliit na notebook na kung saan nakatala ang mga bilang ng NFA rice na tinanggap, at ilang mga gamit na pang-repack ng bigas.
Ayon kay P/Chief Supt. Ricardo I. Padilla, PNP Regional Director, ang nasabing inspection ay kaugnay sa kautusan mula sa Malacanan laban sa mga Rice Hoarders. "We will not stop in hunting the people behind the hoarding of NFA Rice in the region." Ani ni Padilla. (ARJAY SALGADO/PNP PRO-4A PIO)